Friday, June 07, 2013

Manggagawang Pangkalusugan maging Mapagbantay! Paglilipat ng Fabella Hospital, Tiyaking para sa Kapakanan ng Mamamayan

Photo credits to Dr. Iggy Agbayani
Sa June 11, 2013 nakatakda ang pre-bid conference para sa pagtatayo ng bagong building ng Dr. Jose Fabella Memorial Hospital. Nabigo ang naunang bidding nito noong Marso. Itatayo ang 9-palapag na building sa loob ng DOH compound. P750 milyon ang nakalaan para dito mula sa pambansang badyet ayon mismo sa Department of Health.

Ano ang kaugnayan ng bagong building ng Fabella sa kabuuang planong corporatization at Public Private-Partnership (PPP) ng mga pampublikong ospital? Ano ang kaugnayan nito sa integration ng tri-hospital complex ng Jose R. Reyes Memorial Medical Center, San Lazaro Hospital, at Fabella? Ito ba ay naayon sa implementasyon ng Executive Order 366 o Restructuring and Streamlining of National Bureaucracy?

Kinokorporatisa na ang Western Visayas Medical Center (Iloilo), habang nasa bidding ang PPP ng Philippine Orthopedic Center. Nakaamba ang korporatisasyon ng 26 pampublikong ospital sa buong bansa.

Tama lang na ayusin at imodernisa ng pamahalaan ang pasilidad ng ospital sapagkat responsibildad ito ng pamahalaan. Ngunit ito ay dapat magsilbi para sa kapakanan at kagalingan ng pasyente at mamamayan, hindi para pagkakitaan at pagkamalan ng malaking tubo ng malaking negosyo.

Ano ang implikasyon nito sa serbisyong pangaklusugan at pasyente ng Fabella? Matitiyak ba ang security of tenure ng mga manggagawang pangkalusugan? Nakakapag-alala ang pananahimik ng DOH sa usaping ito.

Huwag tayong magsawalang-kibo, huwag tayong magwalang-bahala. Maging mapanuri at mapagbantay! Ipaglaban ang kalusugan at kapakanan ng pasyente at manggagawang pangkalusugan.

Tutulan at labanan ang pribatisasyon ng serbisyong pangkalusugan!
Ipaglaban ang sapat na badyet para sa mga pampublikong ospital!
Ipaglaban ang abot-kaya at libreng serbisyong pangkalusugan! 

No comments: